Naglalakad ako ng nakatulala papunta sa kabila naming bahay mula dito sa kinauupuan ko ngayon, ang pwesto ng computer. May mga tatlong block mula dito yung bahay-tulugan namin. Pakiramdam ko, ang bagal bagal kong maglakad. Yung dating lugar na kinatatakutan ko sa parteng mapuno na kalye ng nilalakaran ko, hindi ko namalayang nalampasan ko na pala. Hanggang sa mapansin kong nasa tapat na pala ako ng gate ng bahay namin. Nakabusangot akong pumasok sa loob dala ang plantsa na hiniram ko kay tita. May pasok kasi bukas, kailangan hiramin na ng maaga yung plantsa bago pa matrapik bukas sa mga manghihiram pang kasunod. 9pm na pala, nakita ko yung ulam kaya naalala kong hindi pa pala ako naghahapunan. Hindi ako nagugutom, pero pinilit ko na lang kumain dahil naaawa ako sa malnourished kong katawan.
Pakiramdam ko sa sarili ko, ang laki laki ng problema ko. Parang nadaya ako sa sugal, nasiko ng nagmamadaling mama sa bus, natulak ng isang mob sa may mrt, nahulugan ng sampung piso, nagoyo ng pina-loadan dahil hindi dumating ung load at kung anuano pang malas na bagay. Ayokong tignan yung sarili ko sa salamin, baka madismaya lang ako sa makita ko. Nakita ko si mama, namomroblema dun sa may lamesa habang nakaupo, may hawak na mga papel. Nung sinilip ko, mga bayarin pala. Dalawang kuryente, dalawang tubig, telepono, dsl at globe. Yun lang ata, di ko na nakita yung iba. Kumpara sa hinihimutok ko, di hamak naman na bonggang bongga yung sa nanay ko. Pagkatapos nyang magbilang, nagpunta na sya sa kwarto at natulog. Naisip ko, ano bang problema ko? Naisip kong wala akong karapatang mamroblema kung meron pang may problemang mas lalaki pa kesa sa pinoproblema ko. Dapat hindi ko na iniisip yung problema ko. Anong oras na nung maisipan kong pumunta sa kwarto. Matutulog na lang ako. Tutulugan ko na lang tong lintik na bumabagabag sa utak ko.
Pagkagising ko, nanjan pa rin sya, ang bigat pa din sa dibdib. Pero kahit papano, nakalimutan ko sya kahit sandali lang, nabawasan ng onti, at mejo nakaisip ng mga solusyon. Effective ang pagtulog. Sana naiisip to ng mga nag-iinom at nagdadahilang umiinom sila para makalimutan ang problema. Tulog lang ayos na, walang gastos, walang sakit sa ulo, walang kapagod pagod, makakapagpahinga ka pa.. at higit sa lahat, hindi ka makakaperwisyo sa iba sa kakaisip kung kamusta ka na habang nag-iinom ka.