Kakalokang Poem

July 12, 2010

Mahal kita todo todo,
Walang break, walang preno,
Bumangga man sa kanto,
Ikaw parin ang mahal ko.

Sa dahon ng Gumamela,
Bulaklak ng Sampaguita,
Doon mo makikita,
Ang salitang mahal kita.

Mahal kita sa Tagalog,
I love you sa English,
143 sa Mathematics
Ewan ko lng sa Physics.

Tubig is Water,
Ilog is River,
Combine it together,
I love you forever.

Posted by annemanalo at 1:58 pm | permalink | comments[1]

Hindi nga ba?

April 20, 2010

Masama talaga sakin ang nag-iisip, nakakapagsulat tuloy ako ng magugulong bagay..

Naisip ko lang, na ang pagsasabi ng “hindi kita iiwan” ay parang goal. Sa isang relasyon, hindi yan pangako, yan ang gusto mong puntahan, hangarin mo, layunin mo. Pero hinding hindi mo dapat ipinapangako. Maraming nangyayari, sa loob ng isang araw, isang linggo, isang buwan, mahirap panghawakan yan. Pero kung iisipin mong dyan ka papunta, mas magiging maayos siguro di ba? Ang tao, mabilis magbago ng isip, nagsasawa din sila, natotorete din.

Hindi mo ba naiisip na kapag iniisip mo ang nakaraan mo, bigla mong maaalala kung bakit wala ka na dun ngaun? Parang nalaman mo na yung mali mo dati, kaya dapat, at sana dapat nga, na hindi mo na yun gagawin ulit? Kung ayaw mong mangyari ulit yung pagkakamali mo dati, wag mo nang ulitin yun, magbago ka, magprogress ka, magtanda ka..

Ang mga lalake ay gago, ang mga babae ay baliw. Pero kaya lang naman nagiging baliw ang mga babae dahil gago ang mga lalake.

Hindi ako masakit magsalita.. hindi lang talaga ako sinungaling..

Posted by annemanalo at 1:12 am | permalink | Add comment

Balang araw..

April 14, 2010

Tuwang tuwa ako nung unang araw na napunta ka sakin. Nang unang araw kitang makita.. Bawat sandaling kasama kita, hindi mapaglagyan ang sayang dinudulot mo sakin. Pero araw-araw, katumbas ng sayang nararamdaman ko, ay lungkot, dahil alam kong balang araw, iiwan mo rin ako, mabubura ka rin sakin. Bawat sandaling kasama kita, nakikita ko ang pagbabago sayo. Unti-unti ka nang nawawala sakin. Salamat sa sandaling panahon na napasaya mo ko. Bukas o kaya pagdating ng panahon, gigising ako isang araw, wala ka na sakin.

Balang araw, makakakuha rin ako ng kapalit mo. Yung hindi ako iiwan, yung hindi mawawala sa paningin ko, at habang buhay kong makakasama. Alam kong mahirap, masakit, pero kakayanin ko, at kung habang buhay na kasiyahan naman ang kapalit nito, bakit hindi subukan? 

Maraming salamat sa kasayahang binigay mo. Mula ngayong araw na ito, kakalimutan na kita. Ayoko na ng henna.. Tattoo naman sa susunod :D

Posted by annemanalo at 12:43 am | permalink | Add comment

I Want Someone…

April 9, 2010

i want someone

who won’t care that I’m incapable of sitting still,

that i can’t grasp the concept of cleaning,

and i refuse to be ladylike,

someone who realizes

that half of the decisions i make

are usually ones i regret,

and i have the right to  overreact at any given moment.

i want someone who knows how completely insane i am,

& he wouldn’t want me any other way.

Posted by annemanalo at 1:02 am | permalink | Add comment

Kung nananahimik na lang sana ako…

March 27, 2010

Sa oras na lumabas ako ng bahay namin, pakiramdam ko nagkakaron na agad ako ng kasalanan. Dapat sana lagi kong sinasaisip na katapusan na ng mundo sa 2012 para magsimula nang manahimik ang nagrerebelasyon kong utak. Para naman nagsisimula na akong gumawa ng mabuti ngayon pa lang. Marami akong napapansin, ang masama pa nito, sa ibang tao.. marami akong napapansin sa pamamagitan ng mabagsik kong utak. Napupuna ko ang mga mali, grammar, sinasabi, kinikilos, ginagawa, paglakad, pagkain at iba pa. At sa kasamaang palad, naiirita ako sa mga yon. Dala ata ito ng init ng panahon.

Anong gagawin ko para matanggal tong pagka psycho ko? Kailangan ko na ba ng tulong? O baka naman tulog lang kailangan ko? Hindi ko naman gusto, pero hindi ko naman sinasabi sa iba yung mga napapansin ko. Ayos na kaya yun? Alam kong hindi naman ako perpekto, masyado lang atang marami akong napapansin, maraming bagay na nakakairita para sakin. Bakit ganto? Bakit ganon?

Kung nananahimik na lang sana ako.. eh di sana wala akong pionoproblema di ba?

Posted by annemanalo at 12:56 am | permalink | Add comment

Wag kang papansin..

March 9, 2010

Midterm sa PMQS, dapat pumasok ng maaga. 5:30 Lunes ng umaga, tumayo ako sa pagkakatulog na labag sa loob ko. Napakalayo ng Farview sa Pedro Gil. Iniisip ko pa lang na 2hrs akong uupo sa FX, nabubwisit na ko. Salamat sa technology ng iPod, nababawasan ang pag-aalala ko sa pagbiyahe ng malayo.

8am, masaya akong umalis ng bahay. Okay na siguro ang dalawa’t kalahating oras para sa biyahe.Hindi na ko malelate nito. Inabot lang ng malas dahil napwesto ko sa parteng mainit ng FX. Sinasampal ako ng init ng araw sa muka. Ang pagaayos ko ng 30mins ay walang kwenta dahil sa pagtulo ng mga pawis ko. Sobrang naa-appreciate ko talaga ang mga punong nadadaanan ng FX. Pati na rin yung mga overpass, pag gumigilid sa malalaking bus si manong. Pakiramdam ko, pag natatakpan yung araw, nagslow motion ang paligid. Hindi kinakaya ng pamaypay ang pawis ko. Ano na kayang itsura ko pagdating ng school?

Dahil Lunes, feeling ng mga tao, dapat silang umalis ng 8am para hindi matrapik. Sana hindi na lang ako nakisali sa pag-iisip ng ganun. Isang oras ang tinagal ko sa Quezon Ave. dahil sa ganyang pag-iisip. Dagdag mo pa yung araw! Ang inet!!

11:20 nang makarating ako ng school. Akalain mong tatlo’t kalahating oras pala yung itinagal ko dun. 10:30 ang pasok ko. Balak ko na sanang umuwi na lang. Pero dahil “Midterm Exam” wala akong nagawa kundi pumasok na lang. Keri na ang itsura. Patuyo ng pawis ng onti. At ayoko nang tumingin sa salamin..

Posted by annemanalo at 2:08 am | permalink | Add comment

Sana..

February 28, 2010

Sana ang sinasabi, ginagawa. Sana ang mga sinasabi, pinaninindigan. Sana malakas ang loob. Sana hindi napipikon. Sana nakikipag-uusap. Sana tumatanggap ng pagkakamali. Sana hindi nakikipagmataasan. Sana hindi nagsisinungaling. Sana hindi agad nagagalit. Sana maraming pagkakataon.

Sana ganun ako. Sana ikaw rin.

Bakit hindi na lang ba mawala ang pride sa isang tao? Hindi kaya pwedeng minsan, tumanggap tayo ng mga pagkakamali natin? Bakit ganun na lang kahirap ang pagsasabi ng “sorry”? Bakit hindi na lang pwedeng pagkasabi ng sorry, may patawad, period. Alam kong mahirap sabihin ang salitang sorry. Maraming pagkakataong ako ang dapat magsabi ng ganyan. Pero sana, alam natin ang mga mali nating ugali, maling sinasabi, maling pagdedeliver ng sinasabi, maling paraan ng pagtatapos ng sinasabi, at maling kinahihinatnan ng mga sinabi.

Sana ganyan ako. Sana ikaw rin.

Sabi ko nga, hindi ka perpekto, lalo naman ako! At kahit kelan hindi tayo magiging perpekto. Pero sa mga simpleng bagay, hindi naman kailangang maging perpekto tayo para magkaintindihan. Minsan kailangan mo lang makinig. Simple lang, pero ang hirap di ba?

Sana ganyan ako. Sana ikaw rin.

Posted by annemanalo at 2:32 am | permalink | Add comment

makikilamay o makikiburol?

February 26, 2010

Wala akong pakialaam kung burol o lamay pa ang tawag jan. Wala akong pakialam, hanggang sa dumating ang araw na ito. Isang gabi ng magtipon tipon kami sa harap ng tindahan ni Manong dun sa malayong lugar. Tinanong kami ng curious naming kaibigan, ano daw ba ang tama? burol ba o lamay? Dahil joke time ang gabing un, joke time din ang sagot na pumasok sa isip ko. “Bakit? Parehas ba yung makikilamay sa makikiburol?”  

  Makikilamay. Tama nga, sa totoo lang, hindi lang naman patay ang pinaglalamayan, pati assignments, exams, thesis, deadlines.. yan yung ibang examples ng pinaglalamayan. Ngayon, kung makikilamay ka sa ganyan, ibig sabihin, makikipagpuyatan ka sa kanila, sasamahan mo sila hanggang.. hanggang kelan nga ba?  Hanggang kelan nga ba natatapos ang pakikilamay? Kapag inantok? Patagalan dumilat? Game Over ang unang pipikit?

 Makikiburol. Patay tayo jan. Alam kong sa mga panahong ito, napipicture nyo na kung pano ang ginagawa ng mga nakikiburol.

              “Boss pila to, dun ka sa likod kung makikiburol ka.”

             Hindi nga naman pwedeng sabay sabay makiburol. Masikip yun. Kung lahat hihiga, kailangan talaga ng pila bago matapos ang pakikiburol mo. Maliban na lang kung may time limit, 5mins bawat makikiburol.

             “Oops! time na kuya yung susunod na makikiburol naman yung hihiga jan..”

 Kung makikiburol ka, dapat proper attire..

             “Tol peram muna nyang barong mo, tapos ka nang makiburol di ba? ako naman, nahihiya akong pumasok sa loob. Lahat kasi sila humihiga ng nakabarong. Nakakahiya naman kung ganto lang yung damit ko.”

 Sa mga gantong pagkakataon, hindi nawawala ang picture..

             “Pose! Ganyan nga.. sige yung nakapikit naman na medyo nakangiti..”

 Kung may lamay, shempre may logbook. Pero dapat iba ang logbook ng makikilamay, makikiburol, at yung makikilamay makikiburol combo..

             “Makikilamay po ba, makikiburol, o yung combo? Dito po ang makikilamay. May premyo po sa maswerteng pangalan na mabubunot sa corresponding category. Grand Prize po ang matatanggap ng combo, isang sakong bigas at free make over kapag ikaw naman ang ibuburol. Consolation prize po yung sa natirang dalawa, tig-isang latang biscuit at manicure pedicure (kapag ibuburol ka na) ”

 Tandaan: ang Burol ay noun, lugar ng pangyayari; samantalang ang Lamay ay verb, ang ginagawa sa lugar na pinangyayarihan ng pangyayari.

Posted by annemanalo at 2:56 am | permalink | Add comment

Totoo nga kaya si Kamatayan?

January 20, 2010

Totoo kayang kapag namamatay ang isang tao, may sumusundo sa kanila? Matagal na kasing bumabagabag to sa isip ko. Mula nang napanood ko ang City of Angels, Deathnote, The Eye, at anu pa ba? Kasama na din ang paglalaro ng sims. Totoo nga kaya si kamatayan? Ang mga shinigami?

Naalala ko kasi nung namatay si Cory, ayon sa kwento ni tita Krissy, sinasabi daw ni mommy Cory na inaabot nya yung kamay ni ninong Ninoy. Naisip ko tuloy, Shinigami na din kaya si Ninoy? Ang lola ko kaya, nung nagdesisyon nang magpahinga, sino kaya ang umabot sa kamay nya? Kung nakatakda namang ang mga asawa ang dapat umabot sa mga kamay ng namamatay, imposible atang lolo ko ang umabot ng kamay ng lola ko, kasi kung magkaganun, babangon ang lola ko at sigurado akong hindi sasama sa kanya. O baka naman sumama lang sya sa lolo ko para masapak nya? Posible din kayang si Ninoy din ang umabot sa kamay nya? Baka sya na siguro ang Shinigami ng mga makabagong pilipino. Hindi kaya cool kung si Elvis Presley, Marilyn Monroe, o si Michael Jackson ang aabot sa kamay mo pag mamamatay ka na? Para naman kahit sa huling pagkakataon, matupad ang mga pangarap mo.

Ako kaya? Kung hindi ako mag-aasawa, at kung mas maaga akong mamamatay sa mga mahal ko.. sino kayang aabot sa kamay ko? Pwede kayang mag request? Bago ako mawalan ng buhay, “Lord pwede po bang si Rico Yan na lang ang umabot sa kamay ko since wala pa naman akong namamatay na mahal sa buhay?” Hindi kaya ang creepy nun? Bat naman ako sasama sa taong patay na?

Siguro nga hindi totoo yun, baka gigising ka na lang, baby ka na ulit. O kaya naman, gigising ka na lang, langgam ka na. O kaya, gigising ka na lang, katapat mo na si Lord, pinapakwento na ang mga kalokohan mo sa buhay.. Hala nakakatakot naman, hindi pa ko handang sagutin ang mga itatanong nya. Hindi pa ganun karami ang nagagawa kong mabuti. Mas mabuti na siguro un, kasi baka kapag sapat na ang mga nagawa kong kabutihan at handa na kong sumagot sa mga itatanong nya sakin, baka kunin nya na ko.. Kaya wag muna :)

Posted by annemanalo at 5:16 pm | permalink | Add comment

Kapag sabi nila, sinabi nila..

January 9, 2010

Sabi nila, baka daw kasi last christmas na ni Mamang sa earth. Pero hindi ako naniniwala.

 Eto na nga ang kinakatakot ng lahat. Mabuti na lang kahit hindi kami naniwala, dun pa din kami nag christmas sa Pandacan. Nakasama namin sya sa huling pagkakataon. Kung tutuusin, mas okay na yun, dahil hindi na sya mahihirapan, pati yung mga nag-aalaga sa kanya. Pero bakit parang hindi pa din? Totoong kapag nawala na ang isang tao, saka mo maiisip ang mga kawalan nito. Maikli ang buhay (Kahit 85 yrs syang nabuhay). Maraming mga pangyayaring gugulat sayo sa loob ng isang araw. Pwedeng bukas, sa isang iglap lang, magbago ang mundo mo.

Wag kang matakot umiyak kapag nalulungkot ka. Tumawa ng malakas kapag masaya ka o tumambling ka kapag di ka nakontento sa pagtawa ng malakas (pag masaya ka lang ha). Hindi mo alam ang mangyayari bukas, o sa isang araw. Sabihin mo sa mga taong mahalaga sayo na mahalaga sila. Huwag kang magsawang magsabi ng “I love you” sa mga taong mahal mo.

Ngayon lang ako namatayan ng malapit sa puso ko na kamag-anak. Hindi pa kasi ako pinapanganak nung namatay yung iba kong kamag-anak. Nakakalungkot. Kahit ine-expect mo na, hindi mo pa din maiwasang maiyak. Alam kong balang araw, mawawala din tong lungkot na to. Hindi magbabago ang isang puwang dito sa puso ko, sa puso naming mga iniwan mo. Mahal na mahal ka naming lahat. Mamimiss ka namin habang buhay :(

Posted by annemanalo at 1:15 am | permalink | Add comment

Tanga ba ko Inay?

January 3, 2010

Matapos kong manood ng “The DaVinci Code” sa tv, naisip kong maghugas ng pinggan na nakatambak sa lababo. Bihira ko tong gawin, dahil alam kong may maghuhugas naman non kahit hindi ako magkusa. Hindi tama, pero araw araw ganyan ang iniisip ko. Maliban ngayong gabi. Dahil nanood ako ng DaVinci Code. Joke lang, hindi talaga yan ang dahilan, naisip ko lang na maraming ginagawa ngayon si mama kaya siguro malamang at sana, mapasaya ko sya kahit konti sa munti kong “good deed” ngayong gabi.

Binuksan ko ang ilaw, tumapat sa lababo, at binasa ang sponge na nasa ilalim ng gripo. Nilagyan ng “sabon” at paulit ulit na pinahid sa tupperware na pinaglagyan ng naubos kong (naubos pala ni buraray) na macaroni salad mula sa handa namin noong bagong taon. Nainis ako kasi ang greasy ng sponge. Akala ko naman galing sa mayonnaise ng salad ung grease na un. Badtrip! Yung nilalagay ko palang “sabon” na nakalagay sa bote ng Coke 1.5 ay mantika pala! Hinanap ko yung tunay na “sabon”, nakita ko sya sa isa pang bote ng Coke 1.5 na nakalagay naman sa kabilang dako ng counter table. Sabay baling kay mama na hawak ang dalawang bote, “Mama hulaan mo ano dito yung sabon?” Tinuro nya yung tama. Pero walang pinagkaiba kasi. Na-tanga pa tuloy ako ng nanay ko.

Ayaw ko kasing magpatalo. Hindi ko matanggap sa sarili kong naging tanga talaga ako non. Note: Apat na ulit kong nilagyan ng “mantika” yung sponge bago ko napansing mantika pala yun.

Posted by annemanalo at 12:23 am | permalink | Add comment

Naisip ko..

January 2, 2010

“Naisip kong hindi maganda idea ang mag-isip ngayon.”

Nakakainis. Naisip kong pagnakita kita, ang sarap mong itulak sa kalsada. Ang sarap mong ipasagasa sa mga rumaragasang bus sa ayala. Kaya lang, naisip ko, pag nakita na kita sa sitwasyong yun, hindi ko din kakayanin eh. Sisiguraduhin kong mamamatay muna ako bago ikaw, magpapakamatay din ako sa pagligtas sayo.

Tuwing sinasabi kong “wag mo kong iwan”, lagi mong sinasabing “hindi mangyayari yun”. Pano kaya kung isang araw, pag tinanong kita ulit, hindi na yan ang sagot mo? Minsan iniisip kong, bakit pa tinatanong ang mga ganyang bagay kung alam mo na din naman ang sagot. Siguro kasi, baka isang beses, pag tinanong mo to ulit, biglang magbago, baka hindi mo na kayanin ang maririnig mo.

23 na ko. Marami nang nagtatanong sakin kung kelan daw ba ako magpapakasal. Lagi kong sinasagot, “Hindi ako magpapakasal. Boyfriend lang, uso naman yun eh, para in!” Pero sino bang niloko ko? Sinong babae ang ayaw magpakasal? magkapamilya? Lagi kong iniisip, sana magkaron ako ng pagkakataon para bumalik ang oras. Para itama ang mali. Pag nangyari yun, sya ang unang una kong pupuntahan. Kukumbinsihin kong sakin na lang sya. Alam kong imposible. Pero pwede naman kung iisipin ko na lang di ba? Pero sabi ko nga, “Naisip kong hindi maganda idea ang mag-isip ngayon.”

Lagi kong iniisip, sana mas nauna kitang nakita. Sana mas nauna kitang nakilala. Sana ako na lang. Sana nakilala kita 5yrs ago. Sana hindi ko na to iniisip dahil sasabog na ang utak ko. Maraming tanong. Magulo. Pero kasalanan ko to. Pinili kong pumasok sa magulong buhay mo..

Posted by annemanalo at 2:07 am | permalink | comments[2]

Mamamatay ka na ba?

December 24, 2009

“napakalaking pagkakamali ang kalimutan ang pangarap mo para lang makaiwas sa mga terror na teachers at mahihirap na subjects.”

sabi sa ABNKKBSNPLKo? ni pareng Bob Ong. Pero may idadagdag ako jan, based on experience. Napakalaking pagkakamali ang kalimutan ang pangarap mo para lang sa mga online games, luho, bisyo, at anumang materyal na bagay. Walang katumbas na experience ang pag-aaral at pag-abot ng pangarap.

Natuto na ko. Sana kayo din. Walang excuse ang pagliban sa klase. Maliban na lang kung mamamatay ka na. Pero kahit ganun, lagi pa din akong absent. Feeling ko lagi kasi akong mamamatay. :)

Posted by annemanalo at 2:12 am | permalink | Add comment

Ang Pasko ay Sumapit

Dalawampu’t dalawang oras, limampu’t apat na minuto, at tatlumpung segundo.. Ang countdown sa pinakahihintay ng lahat. December 25. Ang birthday ni Bro. Kanina pagkagising ko, hindi ko man lang naramdamang lumipas na ang limang araw mula ng magbakasyon. Ang bilis. Parang walang nangyari sa loob ng limang araw na yon. Araw-araw pare-pareho.

Sa Pandacan kami magpapasko. Kasama ng kamag-a nakan ko sa side ni Danny, ang tatay ko. Ang malaking pamilya ng mga Manalo. Doon nila napagdesisyunang magpasko dahil kay Lourdes, ang lola kong 89 years old. Sabi nila, baka daw kasi last christmas na ni Mamang sa earth. Pero hindi ako naniniwala. Sinabi din nila yan nung nakaraang taon. Kahit na medyo hindi na sya nakakatayo, alam kong kaya nya pang umabot hanggang sa susunod na taon. Maiboboto nya pa din ang idol nyang si Pareng Erap. 

Sabi ni Linda, ang nanay ko,  ayaw nya daw pumunta dun. Lugi daw sya, wala daw syang sasakyan. Tapos ang mahal daw ng taxi. Sabi ko naman, ano pa bang ikalulugi nya kung makakasama naman nya kaming lahat? Buong pamilya ko nandun, ang pamilya nila ate, mga makukulit kong pamangkin. Alam kong magiging complete attendance yun. Kaya ano pa bang hihilingin nya? Hindi ba mas lugi sya kung maiiwan sya dito? Alam kong nagtatampo lang yan si mama. Hindi na kasi nagpupunta dito sila ate mula nung lumipat sila ng kanya kanya nilang bahay. “Ang layo na ng Fairview sa kanila ngayon, samantalang yung bahay nila dati mas malayo dito nakakapunta naman sila.”  Sabi ng nanay ko. Hindi ko sya masisisi. Oo nga naman, mas malapit ngayon yung bahay nila kesa dati. Yung ate kong taga Laguna, taga Las Piñas na lang ngayon. Yung ate kong taga Ortigas Ext., taga Libis na lang ngayon. Ano nga ba ang difference noon sa ngayon?

Ano nga ba ang tunay na diwa ng pasko? Hanggang ngayon, malabo pa din sakin ang sagot dito. Taon-taon ang pangarap ko lang naman, magkakasama kaming lahat magpasko, mababaw lang, pero bakit hindi lagi natutupad? Sila ate Jep, ate Jane, Kuya, Popot, Mama, Papa, si Mico… Bukas na yung pagkakataong matupad yun, kahit may kulang.. Pero bakit may nagoobject pa rin? Bakit ayaw ni mama? Bakit nga ba?

 

Posted by annemanalo at 1:06 am | permalink | Add comment

Kailangan ng Powers

December 22, 2009

Bakit ba hindi na lang maging simple ang buhay? Bakit lagi na lang nagkakaron ng mga bagay bagay na nagpapasakit ng ulo ko? Hindi ko naman to ginusto, sabagay, sinu ba namang tao ang gugustuhin ng sakit ng ulo? Pero eto na naman ako.. gumagawa ng bagay na magpapasakit na naman ng ulo ko. Sabi nga ng pinsan ko.. “bakit ba hindi pwedeng malaman na lang natin kung nagsasabi ng totoo o nagsisinungaling ang isang tao?” Sana kasing skillfull na lang ako ni Edward para nalalaman ko ang dapat gawin. Habang tumatagal, gumugulo. Habang gumugulo, humihirap. At habang humihirap, mas naiisip kong sumuko.

Sana mas madali ang buhay.. sana mas simple.. kung vampire lang sana ako..

Note: huminto ng saglit sa pagbabasa ng Eclipse ni Stephenie Meyer upang buksan ang Mafia Wars at maghain ng pagkain sa Cafe World. Meaning.. May hang-over pa kay Edward Cullen kaya puro vampire ang nasa isip.. Maraming salamat sa pagpapahiram sakin ng libro ni giselle, sana pahiramin nya pa ko ng mga kasunod.. wahehehe

Posted by annemanalo at 2:23 am | permalink | Add comment

Feeling Mo Lang ‘Yun

December 17, 2009

“Feeling ko pag mag-isa ako, wala akong kasama.”

 Ang loko lokong sabi sa nabasa ko na hindi ko na maalala kung saan. Pero kung iisipin mo, may malalim na kahulugan ang mga salitang to, o ako lang ang nag-iisip nun dahil loko loko din ako?

Lagi kong naiisip yan pag nag-iisa ko, pero pag medyo iniintindi ko sya habang nag-iisa ako, medyo natatakot na ko. Isipin mo na lang, pag narinig mo yan ang automatic mong sasabihin, “Syempre engot! Mag-isa nga eh, eh di walang kasama!” pero kung iisipin mo, pano kung sabihin mong “Feeling ko pag mag-isa ako, meron akong kasama.” Naku noh, parang mas gugustuhin mo pang maging engot  kesa maging tama ang pangungusap mo.

Sa isang banda, para sa akin, ang pag-iisa ay hindi nangangahulugang wala kang kasama. Pwede namang sa room na puno ng tao, marami kang kasama, pero mag-isa ka lang talaga. (WARNING!: Kung naguguluhan ka sa pinagsasabi ko, wag mo na ituloy ang pagbabasa. Required ang magulong pag-iisip sa pagbabasa ng nito) Kung naiintindihan mo to, kaisa mo ko. Laging nag-iisa, kahit marami namang kasama. Kaya magkaisa tayo para hindi tayo nag-iisa (Parang politiko na, ang sagwa).

Madalas akong nag-iisa, sa bahay, sa school, sa pagcocomputer, sa pagtatayp nito, ngayon.. ganon kadalas. Pero parang nakasanayan ko na ata to, minsan mas gugustuhin kong pinapabayaan na lang ako, sa isang sulok, nood tv, text text, pag tinopak naman nagrereview, susulat, nagbabasa, nagbibilang ng lamok na napapatay, nagbibilang ng buhok sa kilikili, nagsasabon ng damit ng dalawang beses (sa paglalaba), nagbabanlaw ng damit ng apat na beses (sa paglalaba ulit), nagsasabon ng katawan ng tatlong ulit (sa pagligo), pero teka.. sa mga nabanggit na to, hindi ko nararamdaman ang pag-iisa ko, dahil alam ko, sa isang panig ng Pilipinas, may naghihintay sakin, na pag feel ko nang magkaron ng kasama, magkakaron ako talaga. May mga taong nagmamahal sakin na pwede kong puntahan kapag tapos na ko sa pag-iisa ko.

Ayoko naman talaga ng nag-iisa. Kung gusto mong mag-isa ka lang, abnormal ka. Para saan pa ang mga ginagawa mo kung nag-iisa ka lang. Pakamatay ka na kung ganun. Maliban sa mga bagay na dapat talagang mag-isa ka lang. Pero sa iba, mas masaya kung may kasama di ba? may kasama sa isang sulok, kasama manood ng tv, kasama mag text, kasamang topakin, kasama magreview, kasamang nagbibilang ng lamok na napapatay, kasamang nagbibilang ng buhok sa kilikili, kasamang naglalaba, kasamang naliligo (teka, parental guidance na to) at marami pang mga bagay na mas masaya kung may kasama ka.

“Mula ngayon wala nang ikaw, wala nang ako, tayong dalawa na”  ang sabi ni Audrey kay Jay-R.. hahaha!

Posted by annemanalo at 7:31 pm | permalink | Add comment

Duwag

December 13, 2009

Bakit nga ba ako pinanganak na duwag? Andami kong kinatatakutan, sobrang dami hindi ko maelaborate lahat. May mga tao namang matatapang, meron din nagtatapangtapangan, at meron din talagang aminadong duwag, tulad ko.. Hindi ko naman sinasadyang maging ganto, pero madali lang naman yun ma overcome, kung gugustuhin mo. Minsan nga, kahit may aso sa madilim kong daraanan, tumutuloy pa rin ako, na parang dedma lang..tapang tapangan.

Pero ito ba talaga ang dapat na basihan ng pagiging matapang? Ang sugod ng sugod sa laban? Sugod ng sugod ng walang dalang pang depensa o pang opensa? Kelan ba nasasabing matapang talaga tayo? Kapag nagtinikling tayo sa gitna ng mga sundalo sa Mindanao? Kapag nakipag unahan sa mga sasakyan na sing laki ni optimus prime?O sa pag-ihi sa pader na may nakalagay na malaking “Bawal Umihi Dito! Multa P5,000.00″?

Ngayon kung tunay kang matapang, umuhi ka sa may mga “Bawal Signs” :p

- to be continued

Posted by annemanalo at 12:48 am | permalink | Add comment

Kalokohan

November 16, 2009

Nakakabadtrip mabadtrip. Kaya nga ba hindi ko alam kung bakit may mga tao pang laging badtrip. Tulad ko. Maraming bagay na ayaw kong aminin na ayaw kong malaman. Kaya ayaw kong itanong dahil nagpapanggap akong ayaw kong makialam. Na pinagpipilitan na wala akong pakialam, pero sa totoo meron naman. Magulo ang buhay. Kasabay nito, masarap mabuhay. Therefore:

    Buhay = Masarap
    Gulo = Buhay
    Therefore,
    Masarap = Gulo

Kalakip ng gulong ito ay magulo ko ding isip…

    Gulo = Buhay
    Isip = Gulo
    Therefore,
    Buhay = Isip

Sabi nila, sa buhay gamitin ang isip wag ang puso…

    Buhay /= Puso
    Gulo = Buhay
    Therefore,
    Gulo /= Puso

Sabi, pag hindi daw nilagyan ng puso yung buhay, magulo.. Magulong gabi sa inyo XD

Posted by annemanalo at 12:57 am | permalink | Add comment

Walang imposible

November 14, 2009

“Kung lahat ng bagay may katapusan”, para saan pa ang sinasabi nilang pagsisikap? Wala daw imposible kung magsisikap ka. Pero kung pagsisikapan mo namang wag magwakas ang isang bagay, ano ba talaga ang tama? “Walang imposible sa taong nagsisikap” sabi ng mga tao, hindi ko na mabilang at hindi ko na maalala kung sinu-sino silang nagsabi nito.

Kung ang “katapusan” na ito ay ang pagwawakas ng buhay ng isang tao, siguro nga totoo ang katapusan na ito (ngunit subalit ayon sa relihiyon ko, hindi nagtatapos ang buhay ng tao sa pagkamatay nito, katawang lupa lang daw ang namamatay).

Pero habang nabubuhay tayo, totoong merong mga hindi matatapos, kapag pinagsikapan mo ito.

Posted by annemanalo at 1:45 pm | permalink | Add comment

Self-Defense

October 28, 2009

Nakaka-stress ang thesis.. Tuesday ng gabi ng maramdaman ko to. Ngayon lang ako inabot ng gabi ngayong sem. Nakakatakot talaga sa PCU, o tinatakot ko lang ung sarili ko? Matapos ang practice defense (na hindi naman talaga practice defense dahil hindi ako nagpresent) excited na naman akong umuwi. Antagal kong nag-antay sa liwanag ng buhay na maghahatid sakin sa aming tahanan. Ang tagal ng fx. Matapos ang tatlumpung minuto.. dumating na ang pinakahihintay ko.. Tamang tama bakante sa may unahan sa tabi ng driver. Tamang tama to kasi makakatulog ako sa dalawang oras kong biyahe.

Fact: paborito ko sa harapan ng fx kasi dito walang kaagaw sa aircon, dito ang pinakamalamig na parte, onti pa ang siksikan kumpara sa gitna at sa dulo.

Nasira ang mga pangarap ko ng dumaan ang FX sa may Faura. May nakita akong kumakaway na oversized na babae. Sumisigaw ang nakikiusap kong utak: “Dyos ko po wag po sana sya dito sa harap sumakay!”  Ngunit hindi ata dininig ni Bro ang panalangin ko, sa harap talaga sya sumakay. Tapos ang maliligayang araw ko. Totoo nga ang kasabihang “Expect the worst” bakit ko nasabi? Wala lang, ayan kasi yung unang pumasok sa isip ko habang sumasakay sya sa fx. At yun nga ang mga nangyari, yung mga inexpect kong “worst”. Natulog si gaga hindi pa kalayuan mula sa sinasakyan nya. Halos magkadikit na ung braso namin ng driver sa sobrang pagkasiksik nya sakin. Syempre totoo din na dapat “Look on the brighter side”, naisip kong maganda kasi syang pantakip kapag may holdapan na nangyari sa may fx. Pwede din syang gawing pang-self-defense kapag may tumangkang manakit sayo.

- To be continued

Posted by annemanalo at 5:55 pm | permalink | Add comment

Sabi ng lolo ko..

"huwag na huwag mong bibitawan ang isang bagay na hindi mo kayang makita na hawak ng iba"

also available:

kung trip nyong matawa, makialam at magbasa ng buhay ng may buhay;

popot:     http://popotxie.i.ph

kung nalulungkot ka naman at trip mong magbasa ng posts na pang emo;

saiwai:    http://saiwai.i.ph

seryosohan na to!;

ate jane:  http://cutesijane.blogspot.com/

     

September 2010
M T W T F S S
« Jul    
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
27282930  

Bugnuting Bata

Rose-Ann Aliman Manalo.. ang pangalan na sinabi ng nanay ko sa doctor pagkatapos kong ipanganak. Pangalan na sinusulat ko sa bawat test paper na sinasagutan ko. Pangalan na sinasabi ko sa bawat magtatanong nito, minsan pinagtatakpan ko na lang.. "Anne po," ang pa-cute kong banggit sa nagtatanong ng pangalan ko. Buraot.. hindi ko kasi to gusto, ewan ko kung bakit sa loob ng siyam na buwan na pagiging fetus ko, hindi man lang nila pinag-isipang mabuti ang itatawag ng mga magulang ko sa magiging anak nila.. Ganyan din nangyari sa mga kapatid ko.. Mely, Mary Jane, Daniel, mabuti pa ung bunso naming kapatid, Dannilyn (turned Potpot) ang naging pangalan.. medyo napag-isipan nila ng konti.. eh pano kami?

Sponsored Links

Magmemessage ka o Kokotongan kita?

wanted textmate:

nice blog. exchange link po tau. www.textmate.tk

Mayweather vs Pacquiao:

Mayweather vs Pacquiao Fight, News and Updates

Frowning:

I’ve not spent that much time in the Philippines but I really must say it’s an amazing land. Anyway, I’m just commenting here because I’m reading blogs by filipinos and found your site on yahoo. If you can share any tips on things I must do while in Manila then I would really love to hear them. Happy Holy Week!

Sora:

xD i love ur posts they definitely make my day brighter! :D

chep:

i really love your posts! keep on blogging!

oann:

thanks :D

Abe:

nice site

oann:

andami sinabi kala ko tinagalog mo lang..wahaha may dagdag pala

potpot:

Binabati kita! Gumagana ng maayos ang iyong kahong sigawan. Maaari mo na ring simulan na gumawa ng Blog. Ngayon ay ma-ilalathala mo na ang lahat ng iyong nasa isipan. Maibabahagi mo na sa mga mambabasa ang nais ipahayag ng iyong damdamin

wahahaha amf… sagwa XD

support:

Congratulations, you’ve just completed the installation of this shoutbox.

support:

Hi! Your shoutbox is working fine!

Leave a message ▼